Ibinahagi ni Lipa City Councilor Mikee Morada na ang kanyang asawang si Alex Gonzaga ay nakaranas ng ikatlong miscarriage noong Disyembre.
Sa panayam ni Mikee kay Toni Gonzaga, inamin niyang hindi inaasahan ang kanilang ikatlong pagbubuntis.
“Sa totoo lang, noong nalaman namin na buntis si Catherine (Alex), hindi namin akalain. Wala talaga kaming plano,” ani Mikee. “Plano namin na maghanda muna, baka mag-IVF (in vitro fertilization), pero gusto naming subukan nang natural.”
Regular silang nagpatingin sa doktor mula nang malaman ang pagbubuntis. Ngunit sa ikatlong linggo ng checkup, nalaman nilang blighted ovum ulit ito.
“Bumagsak ulit [ang pakiramdam namin], pero mas kaya na compared doon sa una kasi nakailan na kami,” dagdag niya.
Nagpa-second opinion sila, at dito naging emosyonal si Mikee nang marinig sa unang pagkakataon ang tibok ng puso ng kanilang baby.
“Pagdating namin sa ultrasound, may baby sa loob. Naiyak ako noong narinig ko ang heartbeat,” aniya. “First time kong makarinig ng heartbeat.”
Gayunpaman, nalaman nilang mababa ang tibok ng puso ng baby, nasa 65 lamang—mas mababa sa normal.
“Nagpunta kami agad sa ospital noong araw ding iyon para subukang ma-save ang baby. Ginawa namin lahat ng puwedeng gawin,” kuwento ni Mikee.
Sa kasamaang-palad, noong Disyembre 28, sa kanilang sumunod na checkup, nakita nila ang embryo ngunit wala na itong heartbeat.
Bagamat masakit ang karanasan, patuloy na nananatiling matatag ang mag-asawa sa kabila ng kanilang pinagdadaanan.