Sulit ang pagbawi ni Alex Eala matapos ang maagang talo sa singles, nang makuha niya ang kanyang kauna-unahang panalo sa isang Grand Slam main draw — sa doubles pa!
Nakipagsanib-puwersa si Eala sa Mexican partner na si Renata Zarazua at tinalo ang British-Spanish tandem nina Emily Appleton at Yvonne Cavalle-Reimers, 7-5, 6-4, sa French Open doubles sa Paris.
Hindi naging madali ang laban: mula sa 2-4 sa first set, bumawi sina Eala at Zarazua, at nagsimula namang mabilis sa second set para makumpleto ang panalo sa loob ng 1 oras at 30 minuto.
Sunod nilang makakaharap ang malalakas na sina Anastasia Potapova ng Russia at Olga Danilovic ng Serbia, na ginulat ang ikapitong seed na American duo nina Caroline Dolehide at Desirae Krawczyk.
Matatandaang natalo si Eala sa singles first round laban kay Emiliana Arango ng Colombia. Pero may dahilan pa rin para magdiwang — ito ang unang pagkakataon na kasali siya sa Grand Slam main draw sa parehong singles at doubles, dala ng kanyang pagpasok sa Top 100 ng WTA. Nasa No. 73 si Eala ngayon, at kakarampot na lang mula sa kanyang career-high na No. 69. Nagdiwang din siya ng kanyang ika-20 kaarawan kamakailan.
“It’s so heartwarming,” ani Eala. “Masaya ako na si Renata ang partner ko at masaya rin ako sa una kong Slam win!”
Samantala, nagpasiklab si Novak Djokovic sa kanyang kampanya para sa ika-25 Grand Slam title, habang nalaglag naman agad sa first round si Daniil Medvedev sa isang five-set thriller kontra Cameron Norrie.