Ang 19-anyos na Pinay tennis star, na pasok lang bilang wildcard entry, ginulantang ang lahat matapos talunin ang World No. 2 at multiple Grand Slam champion na si Iga Swiatek sa straight sets, 6-2, 7-5.
Sa laban, nagsimula si Eala nang mainit, tinambakan si Swiatek sa unang set at sinamantala ang sunod-sunod na errors ng Polish star. Sa second set, nagkaroon ng pagkakataon si Swiatek na makabawi, umangat sa 4-2, pero hindi natinag si Eala. Naitabla niya ang iskor, 4-4, bago tuluyang inangkin ang panalo matapos muling magkamali si Swiatek sa crucial moments.
Hindi makapaniwala si Eala sa kanyang historic upset.
“Wala akong masabi. Parang nasa cloud nine ako!” ani Eala matapos ang laban.
Dalawang taon matapos magtapos sa Rafa Nadal Academy—kung saan minsan siyang nagpa-picture kasama si Swiatek at Nadal—ngayon, siya na mismo ang gumugulat sa mga bigatin ng tennis.
Bago makaharap si Swiatek, dinaanan ni Eala ang mabibigat na kalaban tulad nina World No. 73 Katie Volynets, World No. 25 Jelena Ostapenko, at World No. 5 Madison Keys.
Ngayon, pasok na siya sa semifinals kung saan makakaharap niya ang mananalo sa laban nina Emma Raducanu at Jessica Pegula.