PULSE PH

Alex Eala, Tinalo ang World No. 4 na si Coco Gauff sa Indian Wells

Isa na namang malaking tagumpay ang naitala ni Filipina tennis star Alex Eala matapos talunin ang world No. 4 na si Coco Gauff ng Estados Unidos sa third round ng 2026 Indian Wells Open sa California.

Nanalo si Eala sa iskor na 6-2, 2-0 matapos mag-retire si Gauff sa second set dahil sa pananakit ng kaliwang braso. Bago ito, kontrolado na ni Eala ang laro at madaling nakuha ang unang set.

Sa harap ng halos 16,000 manonood sa Indian Wells Tennis Garden, nakapasok si Eala sa Last 16 ng prestihiyosong WTA 1000 tournament. Dahil dito, inaasahan ding aangat pa ang kanyang ranking at posibleng makapasok sa Top 30 sa mundo.

Ayon kay Eala, bagama’t hindi niya gustong manalo sa ganitong paraan, malaking karangalan pa rin para sa kanya ang makalaro sa malaking entablado laban sa isang top player tulad ni Gauff.

Ito na ang ikatlong panalo ni Eala laban sa Top 5 players, matapos niyang talunin sina Iga Swiatek at Madison Keys noong Miami Open noong nakaraang taon. Mayroon na rin siyang panalo laban sa world No. 8 na si Jasmine Paolini sa Dubai.

Exit mobile version