Bida muli sa international tennis scene ang 20-anyos na Pinay tennis star na si Alex Eala, na haharap ngayong araw sa Japanese player na si Mei Yamaguchi para sa quarterfinal slot ng Jingshan Open sa Hubei, China.
Kasunod ng kanyang sunod-sunod na Top 8 finishes — kabilang na ang historic title win sa WTA125 Guadalajara Open sa Mexico na unang WTA crown ng Pilipinas — kumpiyansa ang marami na muling makakapasok si Eala sa mas mataas na round.
Nagtala si Eala ng 6-3, 7-5 panalo kontra WTA No. 322 Aliona Falei ng Belarus, habang si Yamaguchi (26) ay nagwagi rin kontra Hong Kong’s Hong Yi Cody Wong, 6-4, 6-1. Kung mananalo si Eala, susunod niyang makakalaban ay si Jia-Jing Lu ng China o si Riya Bathia ng India para sa tiket sa Final Four.
Hindi dito nagtatapos ang laban ng Pinay ace dahil may dalawang torneo pa siyang sasalihan sa China: ang WTA125 Suzhou Open (Setyembre 29–Oktubre 5) at ang Hong Kong Open (Oktubre 27–Nobyembre 2).
Matapos ang Grand Slam season, umaasa rin ang bansa na makikita si Eala na maglalaro para sa Pilipinas sa darating na 33rd SEA Games sa Thailand ngayong Disyembre.