Mainit pa rin ang laro ng tennis star na si Alex Eala matapos talunin si Julia Riera ng Argentina, 6-1, 6-4, para makapasok sa quarterfinals ng Sao Paulo Open nitong Huwebes (oras sa Maynila).
Ito na ang pito sunod-sunod na panalo ng World No. 61, kasunod ng kanyang kampeonato sa Guadalajara at unang round win kontra Yasmine Mansouri. Sa loob lang ng isang oras at 17 minuto, pinahirap niya ang serbisyo ni Riera gamit ang matutulis na returns.
Mabilis ang simula ni Eala, agad nag-4-0 bago nakuha ng kalaban ang kanyang unang game. Madali niyang tinapos ang first set, 6-1. Sa second set, muntik pang bumawi si Riera nang mauna sa 2-1, pero nagpakawala ng tatlong sunod na puntos si Eala para makuha ang 4-2 advantage. Hindi na siya bumitaw hanggang tuluyang isinara ang laban gamit ang isang matalim na two-handed return winner.
Susunod niyang haharapin sa quarterfinals si Janice Tjen ng Indonesia, kung saan ang mananalo ay makakalaban naman kina World No. 85 Francesca Jones o World No. 82 Solana Sierra.
