Mabilis ang naging simula ng 2026 para kay Alex Eala matapos maitala ang career-high na world ranking na No. 49 sa Women’s Tennis Association (WTA), ilang araw bago ang kanyang makasaysayang paglahok sa Australian Open.
Umakyat ng apat na puwesto si Eala mula No. 53 matapos magtala ng semifinal finish sa ASB Classic sa Auckland, New Zealand, na nagdagdag ng mahalagang puntos sa kanyang ranking. Mula sa 1,076 points sa pagsisimula ng taon, umabot na siya sa 1,159 puntos.
Ang 20-anyos na Filipina—ang kauna-unahang Pilipina na nakapasok sa Top 50 ng WTA—ay nalampasan ang sarili niyang dating career-best na No. 50 na naitala noong pagtatapos ng 2025.
Sa kanyang pagtakbo sa Auckland, tinalo ni Eala ang tatlong Top-80 players bilang No. 4 seed, kabilang sina Donna Vekic, Petra Marcinko, at Magda Linette, bago yumuko sa dikit na laban kontra kay Wang Xinyu ng China sa semifinals.
Ayon kay Eala, dala niya sa bagong taon ang mas matapang na pangarap at mas malinaw na layunin, habang pinahahalagahan ang suporta ng mga taong patuloy na naniniwala sa kanya.
Sunod na sasabak si Eala sa Kooyong Classic sa Melbourne—isang imbitasyon lamang na exhibition tournament—bago ang mas malaking hamon sa Australian Open.
Makakasama niya roon ang ilang beteranong manlalaro, kabilang muli si Vekic, pati sina Priscilla Hon at tennis legend na Daniela Hantuchova.
