Si Alex Eala ay muling dumanas ng maagang pagkatalo matapos mabigo sa kamay ng hindi seed na Amerikana na si Claire Liu, 6-2, 4-6, 4-6, sa unang round ng WTA250 Guangzhou Open kahapon sa Nansha International Tennis Center, China. Nagsimula nang maganda si Eala, wagi sa unang set at lumamang pa ng 4-2 sa ikalawa, ngunit hindi niya napanatili ang ritmo na nauwi sa pagbagsak ng laro.
Bilang ika-4 na seed at No. 53 sa mundo, inasahan ang mas matatag na performance mula sa 20-anyos na Filipina, ngunit nabigo siyang isara ang laban matapos pang mauna ng 3-1 sa deciding set. Samantala, si Liu—na nasa ika-305 puwesto sa ranking—ay dumaan pa sa qualifying rounds bago pabagsakin ang mas mataas na ranggong Eala sa loob ng dalawang oras at 28 minuto.
Ito na ang ikatlong sunod na maagang pagkalas ni Eala matapos ring matalo sa qualifiers ng W100 Wuhan Open at unang round ng WTA250 Japan Open. Ang serye ng pagkatalo ay dumating matapos ang kanyang matagumpay na kampanya sa Latin America at China, kung saan siya nakakuha ng breakthrough WTA title sa Mexico noong nakaraang buwan.
