Maangas ang naging pagbabalik ni Alex Eala sa SEA Games matapos magpakita ng kalmado at kontroladong laro sa kanyang mga unang laban sa Thailand.
Bilang highest-ranked player ng torneo, hindi nabigo ang 20-anyos na Pinay tennis ace nang walisin niya ang Malaysian na si Shihomi Li Xuan Leong, 6-3, 6-1, upang umusad sa semifinals ng women’s singles ng 33rd Southeast Asian Games sa Nonthaburi.
Kumpleto ang kanyang panalo nang makipagtambal siya kay Francis Alcantara sa mixed doubles, kung saan dinurog nila ang Singaporean pair na sina Daniel Abadia at Wei Choo, 6-4, 6-3.
Bagama’t bahagyang nag-alangan sa simula at naungusan ng 1-3, mabilis na nakabawi si Eala at tuluyang kinontrol ang laban. Ayon sa kanya, masaya siya sa naging simula ng torneo at sa mainit na suportang ibinigay ng mga manonood.
Susunod na haharapin ni Eala ang Thailand’s Naklo Thasasporn para sa isang puwesto sa finals. Posibleng makaharap niya roon ang Indonesian rising star na si Janice Tjen—ang tumalo sa kanya kamakailan sa isang WTA tournament—na isa ring top seed sa kompetisyon.
