Muling lalaro sa sariling bayan si tennis star Alex Eala matapos ang walong taon, tampok sa unang araw ng WTA 125 Philippine Women’s Open sa Rizal Memorial Tennis Center. Sa edad na 20, haharapin ng kauna-unahang Top 50 Filipina sa WTA rankings ang Russian na si Alina Charaeva sa first round ng torneo.
Bilang No. 2 seed, sasabak si Eala kontra sa world No. 163 na si Charaeva, na minsang tumalo sa kanya noong 2020 sa kanilang ITF match sa Spain. Gayunman, iginiit ni Eala na pareho pa rin ang kanyang mindset—maglaro nang pinakamahusay, kahit nasa harap siya ng home crowd.
Ayon kay Eala, mahalaga sa kanya ang pagbabalik sa Pilipinas hindi lang para manalo, kundi para mas mapalapit ang tennis sa mga Pilipino. Aniya, bonus na lamang ang tagumpay dahil ang tunay na layunin niya ay buhayin ang interes ng bansa sa tennis.
Huling naglaro si Eala sa Pilipinas noong 2018, bago siya nagtungo sa Spain upang mag-aral at magsanay sa Rafael Nadal Academy.
Kasama rin sa main draw ang iba pang Pilipinang manlalaro tulad nina Tenny Madis, Kaye Ann Emana, at Elizabeth Abarquez na haharap sa kani-kanilang mga banyagang katunggali sa prestihiyosong torneo.
