Maagang nagtapos ang kampanya ni Alex Eala sa Australian Open matapos ang isang masakit na pagkatalo sa unang round laban sa Amerikanang si Alycia Parks. Mula sa dominadong simula, nauwi ito sa 6-0, 3-6, 2-6 na pagkabigo sa Court 6 ng Melbourne Park.
Nagpakilala agad si Eala sa kanyang main draw debut sa pamamagitan ng perpektong unang set, ngunit unti-unting naubusan ng lakas ang 20-anyos na Filipina at nakabawi si Parks gamit ang karanasan at malalakas na serve. Sa kabuuan, 12 aces ang pinakawalan ni Parks, kabilang ang panapos na tira sa huling laro.
Sa kabila ng matinding suporta ng mga Pinoy na fans na nagmistulang home crowd ni Eala, nanatiling kalmado si Parks at tuluyang kinontrol ang huling dalawang set. Ang Amerikanang may pinakamabilis na serve sa kasaysayan ng women’s tennis ay haharap kay Karolina Muchova sa susunod na round.
Samantala, umusad sa second round sina Coco Gauff, Daniil Medvedev, at Iga Swiatek, habang maagang natanggal ang ilang bigating pangalan sa ikalawang araw ng torneo.
