Buong bansa ang nakaabang habang ginagawa ni Alex Eala ang isa na namang makasaysayang hakbang para sa Philippine tennis—ang kanyang unang paglahok sa main draw ng Australian Open ngayong araw.
Makakaharap ng 20-anyos na tennis star ang Amerikanang si Alycia Parks sa first round ng season’s first Grand Slam, na may pinakamalaking prize pool sa kasaysayan na $74.9 milyon. Gaganapin ang laban sa Court 6 ng Melbourne Park alas-9:10 ng umaga (oras sa Maynila).
“AO ready,” ani Eala matapos ang opening ceremony na tampok ang parada ng mga watawat ng mga bansang kalahok.
Mas mataas ang ranggo ni Eala bilang WTA No. 49, ang kanyang career-best, kumpara kay Parks na No. 100, bagama’t umabot na rin ito sa No. 40 noong 2023. Si Eala ay dating Australian Open girls doubles champion noong 2020.
Samantala, opisyal nang nagsimula ang torneo sa panalo ng world No. 1 na si Aryna Sabalenka, bagama’t inaming nakaramdam siya ng pressure sa harap ng mga tennis legend na nanood ng kanyang laban.
Habang nagpapatuloy ang Australian Open, lahat ng mata ay nakatuon kay Eala—handang lumaban at muling mag-ukit ng kasaysayan sa pandaigdigang entablado ng tennis.
