Muling sasabak si tennis sensation Alex Eala sa international stage ngayong Martes, Setyembre 23, bilang top seed sa WTA125 Jingshan Open sa China. Unang makakaharap ng 20-anyos na Pinay si Aliona Falei ng Belarus, 21 anyos at kasalukuyang nasa No. 323 sa world rankings.
Pasok na si Eala sa WTA Top 60 at hawak ang No. 57 spot, dala ang matinding momentum mula sa kanyang matagumpay na kampanya sa Americas kung saan nakapagtala siya ng pitong sunod na panalo at nakasungkit ng kauna-unahang WTA title para sa Pilipinas sa Guadalajara Open sa Mexico.
Bago magtungo sa China, nakapagpahinga rin si Eala ng isang linggo at nakadalaw pa sa Pilipinas, dagdag inspirasyon para sa kanyang laban.
Target ngayon ni Eala na tuloy-tuloy na makaakyat sa rankings at makapasok sa Top 50 — isang milestone na wala pang Pinay na nakakaabot. Bukod sa Jingshan Open, kasali rin siya sa Suzhou Open (Set. 29–Okt. 5) at Hong Kong Open (Okt. 27–Nob. 2).
Bitbit ang karangalan ng bansa, determinado si Eala na patunayan muli na kaya ng isang Pinay na makipagsabayan sa pinakamalalakas sa mundo ng tennis.
