Makakaharap ni Filipino tennis star Alex Eala ang Ukrainian player na si Dayana Yastremska sa susunod na round ng 2026 Indian Wells Open sa California, United States.
Nakapasok si Yastremska sa main draw matapos talunin si Shuai Zhang ng China, 6-3, 6-2, sa opening round. Dahil may bye si Eala, awtomatiko siyang umusad sa susunod na yugto kung saan sila muling magtatagpo ng Ukrainian player.
Hindi na bago ang labanang ito para sa dalawa. Noong nakaraang taon, tinalo ni Eala si Yastremska sa quarterfinals ng Eastbourne Open, 6-1, 6-2. Umabot pa noon si Eala sa finals ng torneo, na naging dahilan upang maging kauna-unahang Filipina na nakapasok sa WTA final.
Kung muling magtatagumpay si Eala, posibleng makaharap niya sa susunod na round ang world No. 4 na si Coco Gauff ng Estados Unidos o si Kamilla Rakhimova.
Papasok si Eala sa torneo na mataas ang kumpiyansa matapos ang kanyang quarterfinal finish sa WTA 1000 Dubai Duty Free Tennis Championships kamakailan. Inaasahan din siyang magkakaroon ng malaking suporta mula sa Filipino community sa California.
Bukod sa singles, sasabak din si Eala sa doubles kasama ang American partner na si Iva Jovic. Layunin ng 20-anyos na Filipina na magpatuloy ang magandang performance upang mapalapit sa target na makapasok sa Top 30 ng WTA rankings.
