Ipinamalas ni Alex Eala ang tibay ng loob at determinasyon matapos magtala ng isang matinding comeback laban kay Aliaksandra Sasnovich ng Belarus upang manatiling buhay sa Mubadala Abu Dhabi Open.
Mula sa alanganing kalagayan na 0-4 sa third set, bumangon ang Filipina at wagi sa iskor na 2-6, 6-4, 7-5(5) sa laban na nagtapos madaling-araw ng Huwebes (oras sa Maynila), para maselyuhan ang kanyang puwesto sa quarterfinals ng WTA 500 tournament.
Matapos matalo sa unang set, nakabawi si Eala sa ikalawa sa pamamagitan ng mahalagang break sa ika-10 laro. Sa third set, kahit umabot pa sa match point si Sasnovich, hindi sumuko ang World No. 45 at pilit na itinali ang laro bago tuluyang manaig sa tense na tiebreak.
Susunod na haharapin ng 20-anyos na Pinay ang World No. 11 na si Ekaterina Alexandrova ng Russia, na tinalo si Dayana Yastremska ng Ukraine, 6-3, 6-0.
