Bumulaga sa Senado ang matinding alegasyon ng korapsyon matapos ibulgar ni dating DPWH Bulacan district engineer Henry Alcantara ang umano’y 20–30% kickback scheme mula sa mga flood control projects sa Bulacan mula 2022 hanggang 2025 na umabot sa daan-daang bilyong piso.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, tinukoy ni Alcantara si dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo bilang utak ng operasyon na nagmaniobra sa mga proyekto na inilulusot sa National Expenditure Program, bicam reports, at General Appropriations Act. Kapalit ng pondo, umano’y nakakatanggap ng porsyento ang ilang senador at kongresista.
Ayon kay Alcantara, ang perang “share” ay personal na naihahatid sa mga mambabatas o sa kanilang mga tauhan, madalas sa parking ng mga high-end hotels sa Metro Manila.
Mga Binanggit na Sangkot:
- Sen. Joel Villanueva – Umano’y tumanggap ng P150 milyon kickback noong 2023 kapalit ng mga proyekto kahit ayaw niya ng flood control.
- Sen. Jinggoy Estrada – Sinabing nakakuha ng halos P89 milyon mula sa flood control funds ng 2024.
- Ex-Sen. Bong Revilla – Umano’y ginamit ang P90 milyon kickback para sa kampanya sa Senado.
- Rep. Zaldy Co – Pinangalanang malaking benefisyaryo, na sinasabing kumita ng halos P8.7 bilyon mula 426 projects sa Bulacan. May mga larawang iniharap na nagpapakita ng mga bungkos ng pera.
- Ex-Cong. Mary Mitzi Cajayon-Uy – Umano’y nakakuha ng 10% mula sa P411-milyong proyekto.
Dagdag pa, sinabi ni Alcantara at isa pang testigo, si Brice Hernandez, na lahat ng proyekto mula 2019—mula classrooms, hospitals, kalsada hanggang flood control—ay substandard dahil nauubos ang pondo sa kickback at hati-hatian ng opisyal at kontratista.
Kinuwestiyon ni Sen. Bam Aquino ang kaligtasan ng mga gusali at imprastraktura, habang iginiit ni Sen. Erwin Tulfo na banta ito sa publiko lalo na kung may kalamidad.
Samantala, itinanggi ng mga mambabatas at ni Rep. Co ang mga paratang, ngunit nanawagan si Rep. Toby Tiangco ng ethics case laban kay Co dahil sa matagal na nitong pagkawala sa Kongreso.