“Success takes time.” ‘Yan ang paalala ni Alas Pilipinas team captain Julia de Guzman matapos makamit ang silver medal sa AVC Nations Cup — kahit na kinapos sila kontra Vietnam sa finals sa Hanoi, 25-15, 25-17, 25-14.
Para kay De Guzman, higit pa sa medalya ang sukatan ng tagumpay. “Hindi lang ito tungkol sa panalo o talo — kundi sa proseso at pag-unlad ng buong koponan,” ani ng star setter. Ipinunto rin niya ang halaga ng patience at consistency sa pagpapanatili ng core players habang dinaragdagan ang talent pool.
Kahit masakit ang pagkatalo, makasaysayan pa rin ang silver finish — ang pinakamataas na naabot ng bansa sa Asian level, lampas pa sa bronze na nakuha noong 2023 sa Rizal Memorial.
Para sa Alas, kasing-kinang na ng ginto ng Vietnam ang kanilang pilak. “’Pag tiningnan mo lang ang resulta, baka di mo mapansin ang maliliit na tagumpay at karanasang mahalaga sa paglago,” dagdag ni De Guzman.
Walang pahinga para sa Alas Pilipinas — tuloy agad ang laban sa VTV Cup mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 5 sa Vinh Phuc, Vietnam.
Patunay na sa tiwala sa proseso, dumarating din ang tunay na glorya.
