Totoong natutupad ang pangarap—’yan ang pakiramdam ng mga bagitong manlalaro ng Alas Pilipinas na ngayong Sabado ay sasabak na sa FIVB Men’s Volleyball World Championship sa MOA Arena, ang pinakamalaking entablado ng sport.
Para kay Buds Buddin, parang pelikula ang takbo ng kanyang career: mula probinsya, pangarap lang noon ang Palarong Pambansa, umabot sa UAAP sa NU, at ngayon, nakasuot na ng jersey ng national team. “Dream come true talaga,” aniya.
Ganito rin ang damdamin nina Jade Disquitado, Louie Ramirez, Eco Adajar, Leo Ordiales, at Peng Taguibolos. Para kay Ramirez, dating NCAA MVP at Spikers’ Turf standout, malaking karangalan na dala pa rin niya ang pangalan ng NCAA kahit saan siya maglaro.
Susubukan ng mga Pinoy spikers ang kanilang lakas laban sa Tunisia (Sept. 13), Egypt (Sept. 16), at powerhouse Iran (Sept. 18).
