Opisyal nang nakapag-divorce si komedyante at aktres na AiAi delas Alas mula sa kanyang dating asawa na si Gerald Sibayan, ayon sa ulat ng Pep.ph. Natanggap ni AiAi ang desisyon ng San Joaquin County Superior Court na kanyang inihain noong nakaraang taon.
Aniya, masaya at nagpapasalamat siya sa bagong yugto ng kanyang buhay. “Freedom! Parang half na nabubuo na ulit ako bilang Martina Eileen delas Alas. Wala nang Sibayan,” pagbabahagi niya.
Dagdag pa ni AiAi, sa pagkakaroon ng pinal na desisyon sa diborsyo, maaari na rin niyang simulan ang proseso para sa church annulment. Sa kanyang Instagram, ibinahagi niya ang balita at nagpasalamat sa suporta ng publiko.
Nagpakasal sina AiAi at Gerald noong huli ng 2017 matapos ang tatlong taong relasyon ngunit naghiwalay noong Nobyembre 2024.
