Site icon PULSE PH

AFP, Naka-Red Alert sa Gitna ng Protesta vs Korapsyon!

Naka-red alert ang buong Armed Forces of the Philippines (AFP) simula Setyembre 12 kaugnay ng mga protesta laban sa umano’y malawakang korapsyon sa mga flood control project. Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ito ay bahagi ng standard security protocol at para suportahan ang PNP sa pagpapanatili ng kaayusan.

Ipinunto ng AFP na walang dapat ipangamba ang publiko at tiniyak na hindi nila hahayaan ang sinumang manggulo o samantalahin ang mga kilos-protesta. Giit pa ng AFP at Department of National Defense (DND), ang solusyon ay dapat dumaan sa demokratikong proseso at batas, hindi sa mga extra-constitutional na hakbang.

Samantala, sinabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Anthony Aberin na nakahanda na ang kanilang security plan para sa mga kilos-protesta sa Setyembre 21, araw ng anibersaryo ng batas militar. Bagaman maliit lang ang turnout ng mga nakaraang rally, tiniyak niyang igagalang ng pulisya ang karapatang magpahayag basta’t sumusunod sa batas.

Sa probinsya, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga estudyante ng Xavier University – Ateneo de Cagayan laban sa katiwalian. Sa San Carlos City, Negros Occidental, nakatakdang magsagawa ng “Walk Against Corruption” ang simbahan sa Setyembre 20. Maging si Antipolo Bishop Ruperto Santos ay nanawagan na papanagutin ang mga tiwaling opisyal at contractor, lalo na sa DPWH.

Dagdag pa rito, tiniyak ni DILG Secretary Jonvic Remulla na handa ang PNP na magbigay ng seguridad sa DPWH habang nagsasagawa ito ng inspeksyon sa mga flood control project na iniimbestigahan.

Exit mobile version