Handa na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsagawa ng intelligence operations para silipin ang mga kandidato sa 2025 midterm elections. Ayon kay AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., layunin nilang i-report sa Commission on Elections (Comelec) ang mga findings, lalo na kung may “red flags” na makikita sa mga kandidato.
“Bawat kandidato ay isusuri namin—background check po kami. Kung may makita kaming red flags, agad naming ipapaalam sa Comelec,” ani Brawner sa isang press conference.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Brawner na tinutugunan nila ang mga isyu tungkol sa private armed groups, “peace spoilers,” at ang permit to campaign ng New People’s Army.
Sa araw ng eleksyon, inatasan ng Comelec ang AFP na mag-deploy ng mga tropa at kagamitan para tulungan sila sa kanilang mga tungkulin. Kasama rin sa kanilang responsibilidad ang pagtiyak na ligtas ang transportasyon ng mga election materials at proteksyon ng mga poll personnel, kasabay ng Philippine National Police.