PULSE PH

Abogadong Cabral: Zaldy Co Umano’y Nagdikta ng Pagbabago sa DPWH Budget!

Isiniwalat ng abogado ng yumaong dating DPWH undersecretary na si Maria Catalina Cabral na umano’y na-override ng House leadership, partikular ng noo’y Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, ang itinakdang pormula sa alokasyon ng pondo ng DPWH.

Ayon kay Atty. Mae Divinagracia, ipinaliwanag ni Cabral na may “parametric formula” na ginawa upang alisin ang discretionary power sa budget allocations. Batay ito sa historical allocations, population density, at poverty incidence. Ngunit nang iharap ito sa House, hindi raw sinunod at ibinalik ang alokasyon sa antas ng nakaraang taon.

Sinabi rin ng abogado na ayon kay Cabral, ang mga pagbabago sa pondo ay nanggaling umano sa tanggapan ni Zaldy Co at ipinadala sa kanya sa pamamagitan ng email, na kalaunan ay inaprubahan ng dating DPWH Secretary Manuel Bonoan. Bagamat hindi personal na nakita ng abogado ang email, posibleng nasa dating DPWH account ni Cabral ang kopya.

Nagbigay rin ng linaw si Divinagracia sa pagkakaiba ng mga terminong “NEP computed” at “NEP restored”—kung saan ang una ay base sa parametric formula at mas mababa ang alokasyon, habang ang huli ay resulta ng mga pagbabago ng House na nagpanumbalik ng dating halaga.

Bukod dito, ibinahagi rin umano ni Cabral na may hiwalay na “Senate at House leadership fund,” na may pinakamalaking bahagi ang ilang piling distrito. Ang lahat ng impormasyong ito, ayon sa abogado, ay naibahagi na sa Office of the Ombudsman bago pumanaw si Cabral.

Nanatili namang palaisipan ang kinaroroonan ng tinaguriang “Cabral files,” mga dokumentong may kaugnayan sa DPWH budgets, na umano’y balak niyang isumite bago siya nasawi noong Disyembre 2025. Hanggang ngayon, wala pang kumpirmasyon ang DPWH at Ombudsman kung tugma ang mga dokumentong inilabas ni Rep. Leandro Leviste sa opisyal na records.

Exit mobile version