Nilinaw ng abogado ni kontrobersyal na kontraktor Sarah Discaya na hindi ito na-offend sa planong spoof ng komedyanteng Michael V kung saan gagayahin siya bilang “Ciala Dismaya” sa gag show na Bubble Gang.
Ayon kay Atty. Cornelio Samaniego III, normal lang ito dahil bahagi ng trabaho ni Bitoy ang gumawa ng parody.
“Okay lang po kay Sarah. Idol ko nga si Sir Bitoy,” pahayag ng abogado sa isang ambush interview.
Kamakailan ay naglabas ng teaser si Michael V para sa kanyang impersonation kay Discaya na mapapanood sa darating na Linggo.
Samantala, nananatiling mainit ang pangalan ni Discaya matapos siyang humarap sa Senado kasama ang asawang si Curlee, kung saan isiniwalat nila ang umano’y listahan ng mga mambabatas at DPWH officials na tumatanggap ng kickbacks mula sa mga maanomalyang flood control projects.
Dagdag ni Samaniego: “Trabaho ni Michael V ang magpatawa. Trabaho ko ang mag-abogado. Kaya walang dahilan para magalit.”
