Naglabas ang Quiapo Church ng traffic advisory at safety guidelines bilang paghahanda sa Traslacion 2026, na nagbababala sa malawakang pagsasara ng mga kalsada at humihikayat sa mga motorista at deboto na magplano ng biyahe nang mas maaga.
Ayon sa abiso na inilabas noong Enero 4, magsisimula ang mga traffic restriction bandang 5:00 p.m. ng Enero 8, lalo na para sa mga southbound na biyahe, habang daraan sa Maynila ang andas ng Itim na Nazareno. Mananatiling sarado ang ilang kalsada hanggang matapos ang prusisyon, maliban sa mga rutang agad na lilinisin matapos makadaan ang andas.
Kabilang sa mga pansamantalang isasara ang Independence Road hanggang Katigbak Drive, ilang bahagi ng Roxas Boulevard at Padre Burgos, Ayala Bridge, Carlos Palanca Street hanggang Globo de Oro, pati Solano at Padilla Streets. Mananatili ring sarado sa regular na trapiko ang P. Casal, Mendiola at Legarda upang bigyang-daan ang mga emergency at rescue vehicles.
Para sa mga debotong patungo sa Quirino Grandstand, inirerekomenda ang Taft Avenue, Kalaw Avenue, at Roxas Boulevard. Pinayuhan din ang mga sasabay sa prusisyon na huwag harangan o salubungin ang andas, bagkus ay sumunod mula sa likuran upang maiwasan ang siksikan at panganib.
Naglabas din ang simbahan ng mga alternatibong ruta depende sa pinanggagalingan ng mga deboto, kabilang ang paggamit ng Quezon, MacArthur, Jones, M. Roxas, Delpan, Nagtahan, at Mabini Bridges. Hinikayat ang publiko na manatiling alerto at makipagtulungan para sa isang ligtas at maayos na Traslacion.
