PULSE PH

71 Gasolinahan, Na-flag ng DOE Dahil sa Overpricing at Maagang Price Hike

Umabot sa 71 gasolinahan ang natuklasang lumabag sa fuel price regulations matapos ang inspeksyon ng Department of Energy (DOE) sa gitna ng tumitinding krisis sa presyo ng langis sa buong mundo.

Ayon sa DOE, 71 sa 87 gas stations na sinuri ang nahuling nagbenta ng overprice na fuel o nagpatupad ng price increase bago ang itinakdang araw ng pagbabago ng presyo. Hindi bababa sa 55 gasolinahan ang pinadalhan na ng show-cause orders dahil sa maagang pagtataas ng presyo.

Sa Pasig at Quezon City, may ilang istasyon na nagtaas nang malaki ng presyo ng diesel—umabot sa mahigit 40 hanggang 50 porsyento ang itinaas kumpara sa dating presyo.

Ayon sa DOE circular na pinagtibay ng Korte Suprema, dapat tuwing Martes lamang nagbabago ang presyo ng langis at mananatiling epektibo ito sa loob ng pitong araw. Kinakailangan ding magbigay ng detalyadong breakdown ng presyo ang mga oil company.

Samantala, pinalakas na ng Philippine National Police ang pagbabantay sa mga gasolinahan upang maiwasan ang profiteering at hoarding. Maaaring ipasara ang mga establisimyentong mapapatunayang lumabag sa regulasyon.

Sa linggong ito, inaasahang mararanasan ang pinakamalaking fuel price hike sa kasaysayan, kung saan tataas ang presyo ng diesel ng hanggang P24.25 kada litro, gasolina ng hanggang P13, at kerosene ng hanggang P38.50 kada litro.

Exit mobile version