Sa kabila ng pabugso-bugsong ulan, dagsa pa rin ang mga tao sa Quirino Grandstand at paligid nito para sa tatlong-araw na rally ng Iglesia ni Cristo (INC) na nagsimula kahapon sa Maynila. Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot sa 650,000 ang dumalo sa unang araw hanggang 6 p.m.
Sa pagbubukas ng programa, binigyang-diin ni Bienvenido Santiago Jr., general evangelist ng INC, na ang pagtitipon ay hindi pulitikal, kundi isang mapayapang panawagan para sa transparency, accountability at mabuting pamamahala.
Ayon kay Santiago, hindi sinusuportahan ng INC ang anumang extreme o unconstitutional na hakbang tulad ng rebolusyon, revolutionary government, coup d’état, snap elections o civilian-military junta. Aniya, ang anumang solusyon ay dapat legal, makatarungan at naaayon sa Konstitusyon.
Nilinaw rin niyang hindi layon ng INC ang pabagsakin ang pamahalaan, kundi ang pagwalis ng katiwalian at ang pagtatatag ng isang tapat at makataong gobyerno. Binanggit pa niya ang epekto ng korapsyon sa ekonomiya, kabilang ang pagkaantala ng foreign loans, kawalan ng investment pledges sa APEC, at ang paghina ng stock market.
Duterte Supporters, Hindi Pinayagang Makisali
Samantala, isang grupo ng supporters ng pamilyang Duterte ang nagtangkang sumama sa rally ngunit pinigilan ng INC organizers matapos silang magbitbit ng mga banner na nananawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Marcos. Lumipat sila ng pagtitipon sa Liwasang Bonifacio upang ipagpatuloy ang kanilang protesta.
Seguridad at kaayusan
Tinatayang 3,000 pulis ang ipinuwesto sa iba’t ibang bahagi ng Maynila para tiyakin ang seguridad at daloy ng tao at sasakyan. Naglagay ng personnel sa Quirino Grandstand, Liwasang Bonifacio, US Embassy area, Mendiola, Recto Avenue at iba pang critical points.
Nakaantabay din ang emergency at medical teams mula sa city government, Philippine Red Cross, volunteer firefighters at Manila Health Department para tumugon sa anumang insidente dulot ng init, ulan o biglaang emerhensiya.
Sa pagpapatuloy ng rally, nananatili ang pangunahing mensahe ng INC: isang panawagan para sa malinis, tapat at responsableng pamahalaan.
