Mahigit 600 pulis at emergency personnel ang ipinuwesto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa paligid ng Forbes Park, Makati, nitong Linggo bilang paghahanda sa isang rally laban sa Marcos administration.
Personal na ininspeksyon ni NCRPO chief Maj. Gen. Anthony Aberin ang lugar bago ang protesta na pangungunahan umano ni Cavite Rep. Kiko Barzaga. Ayon sa NCRPO, layunin ng deployment na tiyaking mapayapa at maayos ang daloy ng aktibidad.
Kabuuang 615 tauhan mula sa PNP, Bureau of Fire Protection (BFP), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at mga private security group ang ipinadala sa paligid ng subdivision.
Bukod dito, 255 karagdagang pulis mula sa Southern Police District’s Reactionary Standby Support Force ang nakaalerto sakaling kailanganing tumugon agad.
Bawat gate ng Forbes Park ay may nakatalagang NCRPO personnel, habang mahigit 230 opisyal ang nakapuwesto rin sa iba pang bahagi ng Makati. Sa Taguig, 158 pulis naman ang naka-deploy sa paligid ng EDSA-McKinley Road at 5th Avenue.
Ayon sa mga awtoridad, nanatiling maayos at tahimik ang sitwasyon sa lugar hanggang kahapon ng hapon, bago pa man nagsimula ang inaasahang pagtitipon malapit sa Buendia Gate ng Forbes Park.