Isang malagim na aksidente ang nangyari sa Aurora Boulevard flyover sa Katipunan Avenue, Quezon City, nitong Huwebes. Apat na tao ang nasawi, habang 25 ang sugatan nang mawalan ng preno ang isang truck at sumalpok sa mga sasakyan at motorsiklo na duma-daan sa kalsada.
Ayon kay Police Captain Napoleon Cabigon, dahil sa bigat ng kargada ng truck, hindi na ito nakontrol ng driver. “Nagtuloy-tuloy lang siya,” aniya. Ayon sa mga saksi, nagulat na lang sila nang may sumabog at tumilapon na bakal mula sa aksidente.
Isa sa mga saksi, si James Larry, na isang motorcycle rider, ay nagkwento na nagulat siya nang mabangga habang binabaybay ang kalsada. “Tamang andar lang ako, tapos biglang may sumabog,” sabi ni Larry.
Ang mga biktima ay kinabibilangan ng tatlong lalaki at isang babae. Ang truck driver, na tumakas matapos ang insidente, ay nahuli sa CP Garcia Avenue. Ayon sa driver, ito ang unang pagkakataon na siya’y nasangkot sa aksidente sa limang taon niyang pagiging truck driver.
Inalala ni Police Captain Dexter Cardenas ang mahalagang paalala sa lahat ng motorista, “Siguraduhing maayos ang preno, baterya, at langis ng inyong sasakyan para maiwasan ang ganitong insidente, lalo na’t malapit na ang Pasko.”
Ang aksidente ay tumagal ng anim na oras bago na-clear ang kalsada, at patuloy pa ang imbestigasyon ng QCPD.