Tatlong school officials ang sinampahan ng kaso kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng Senior High School (SHS) voucher program ng Department of Education, ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara.
Ayon kay Louie Duterte ng DepEd Government Assistance and Subsidies Service, kinasuhan ang mga ito ng estafa at falsification of documents sa Caloocan City Prosecutor’s Office. Hindi pa isinapubliko ang mga pangalan ng sangkot na DepEd staff at eskwelahan.
“Walang puwang ang panlilinlang sa edukasyon,” giit ni Angara. Dagdag pa niya, pananagutin ang lahat ng may kinalaman sa anomalya — kahit sino pa sila.
Natuklasan ng DepEd na ginamit ang impormasyon ng mga estudyante para magpanggap na naka-enroll ang mga ito sa ilang paaralan kahit wala namang aktwal na enrollment. Noong Marso, ipinag-utos ng DepEd sa 54 private schools na ibalik ang P65 milyon na maling nagamit mula sa voucher subsidies.
Sa ngayon, 38 schools na ang nakapag-refund nang buo, 2 ang partial, habang 14 pa ang hindi pa nagsasauli.
Para sa transparency, inilabas na rin ng DepEd sa kanilang website ang listahan ng mga lehitimong SHS voucher beneficiaries.
Ayon sa COCOPEA, isolated lang ang mga kasong ito at mas mahalaga pa rin ang voucher program para ma-decongest ang public schools.
DepEd, seryosong nagbabantay — para bawat sentimo ng ayuda, sigurado sa estudyante mapupunta!