Inihayag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tatlo pang kasalukuyan at dating senador ang irerekomenda nilang sampahan ng kaso kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyekto sa imprastraktura. Hindi pa ibinunyag ng ICI ang kanilang mga pangalan.
Ayon kay ICI chair Andres Reyes Jr., hiwalay ang tatlong ito sa naunang sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, na una nang sinampahan ng plunder at bribery kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects sa Bulacan.
Sa mga nakaraang pagdinig, ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagbanggit din ng pangalan nina Sen. Chiz Escudero at dating mga senador Bong Revilla at Nancy Binay, ngunit mariin nilang itinanggi ang mga paratang.
‘Ghost Project’ sa Bulacan
Nagpadala rin ang ICI ng panibagong reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa ilang dating top DPWH officials at contractor dahil sa umano’y P74-milyong ghost project sa Hagonoy, Bulacan—isang riverbank protection structure na natuklasang hindi man lang sinimulan.
Ayon sa ICI, ang proyekto na dapat nagsimula noong Pebrero 2024 ay hindi nakita sa Google historical images at maging sa huling aerial survey noong Oktubre 15. Sa kabila nito, ipinakita sa dokumento na tila “natapos” ang proyekto matapos ang walong buwan.
Dahil dito, inirekomenda ng ICI ang mga kasong malversation, falsification, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa anim na DPWH personnel at sa contractor na Darcy and Anna Builders and Trading. Mayroon din silang rekomendasyong administrative cases laban sa dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, dalawang undersecretary, at iba pa.
Isyu sa Transparency
Samantala, nananatiling hindi tiyak kung kailan magsisimulang mag-livestream ng mga pagdinig ang ICI. Sinabi ni Reyes na kailangan munang pag-aralan ang mga patakaran, lalo na’t may mga testigo na maaaring malagay sa peligro kung ilalabas agad sa publiko ang kanilang pagharap.
Itinanggi rin ni Reyes na may kinikilingan ang komisyon o ginagamit ito para protektahan ang administrasyon.
Kasama na ngayon ang Philippine National Police sa mas malawak na imbestigasyon laban sa mga umano’y ghost flood control at infrastructure projects sa buong bansa.
