Ang K-pop girl group na 2NE1 ay magbabalik ngayong taon para sa kanilang 15th anniversary concert at world tour, ayon sa YG Entertainment.
Sa isang video na in-upload sa kanilang social media pages, binanggit ng YG big boss na si Yang Hyun-suk ang plano na magdaos ng concert series para sa 2NE1, na kinabibilangan nina Bom, CL, Minzy, at Dara, o mas kilala sa Pilipinas bilang Sandara Park. Si Sandara ay sumikat mula sa pagiging talent show contestant hanggang maging matagumpay na aktres at singer bago bumalik sa kanyang bayang South Korea.
Nagkita-kita kamakailan ang grupo kasama si Yang para sa mga pag-uusap sa headquarters ng agency sa Seoul noong Huwebes, Hunyo 27, ang kanilang unang pagkikita sa loob ng walong taon.
“Ikinagagalak kong ibahagi sa panayam na ito na ang unang matagumpay na female group ng YG ay 2NE1. Sinabi ng mga miyembro ng 2NE1 sa akin na gusto nilang magdaos ng concert bilang paggunita sa kanilang ika-15 anibersaryo. Kaya nagkita-kita kami at masayang pinag-usapan ang pagbuo nito sa loob ng taon,” sabi ni Yang.
Sinabi ng YG founder na ang anniversary concert ng 2NE1 ay gaganapin sa Oktubre sa Seoul, habang ang mga performance venue sa Osaka at Tokyo, Japan para sa katapusan ng Nobyembre at Disyembre ay na-book na.
“Nasa proseso kami ng pagsasaayos ng mga iskedyul para sa iba pang mga performance. Sa tingin ko, ang concert na ito ay magiging espesyal. Ito’y magdudulot ng mga alaala sa mga lumaki sa musika ng 2NE1. At sa kaso ng 2NE1, marami silang mga hit songs kaya’t ang lahat ng staff ay nagsusumikap upang makalikha ng matagumpay na show,” sabi ni Yang.
Ang quartet ay nag-debut sa ilalim ng YG Entertainment noong 2009, naglabas ng mga hit songs tulad ng “I Don’t Care” at “Ugly” bago nag-disband noong Nobyembre 2016. Ang huling single ng grupo, “Good Bye,” ay inilabas noong Enero 2017.
