Site icon PULSE PH

2,550 Pulis, Idedeploy sa Ngayong Araw Dahil sa mga “Black Friday” Protesta!

Mahigit 2,550 pulis ang ipakakalat sa Metro Manila para tiyakin ang seguridad sa nakatakdang “Black Friday” protest laban sa mga tiwaling opisyal at kontraktor na sangkot umano sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay PNP spokesperson Maj. Hazel Asilo, 1,250 pulis ang magbabantay sa iba’t ibang lugar habang 1,300 pa ang naka-standby bilang backup force. Kabilang sa posibleng pagtitipunan ng mga raliyista ang Mendiola (Don Chino Roces Bridge) at ang central office ng DPWH sa Maynila, habang bineberipika pa kung may pagtitipon din sa Senado, Batasan, Kamara, at EDSA.

Mas pinaigting din ang seguridad sa Batasang Pambansa matapos masugatan ang walong pulis sa isang rally noong nakaraang linggo. Handa rin ang Pasig police sakaling muling lusubin ng mga nagpoprotesta ang St. Gerrard Construction, kumpanya ng kontrobersyal na mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

Samantala, nanawagan ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) na gawing pag-asa at hindi lang galit ang protesta. Hinimok nila ang Kongreso na palakasin ang proteksyon para sa whistleblowers, higpitan ang regulasyon sa campaign financing, gawing mas bukas ang proseso ng bidding, at papanagutin agad ang mga tiwaling kontraktor at opisyal.

Sa kabilang banda, tinawag naman ng Bayan secretary-general Raymond Palatino na “crocodile tears” ang ipinakitang pagkadismaya ni Pangulong Marcos sa malawakang katiwalian, aniya’y hindi na naloloko ang taumbayan. Samantala, muling binuhay ng August Twenty-One Movement (ATOM) ang kanilang Anti-Cronyism Movement kaugnay ng isyu.

Nitong mga nakaraang linggo, nagsagawa na ng serye ng protesta ang mga grupo sa harap ng Kamara at sa tanggapan ng St. Gerrard Construction sa Pasig.

Exit mobile version