Nakaaresto ang mga awtoridad ng hanggang 168 Pilipino matapos silang mag-raid sa isang online lending app hub sa Pasig City kahapon.
Pinangunahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at National Bureau of Investigation (NBI) ang operasyon sa tatlong kwarto ng isang commercial building sa ADB Avenue bandang alas-2 ng hapon.
Ayon kay PAOCC Executive Director Gilbert Cruz, ginawa ang raid dahil sa mga banta ng online lending firm sa social media laban sa mga borrowers na hindi nakabayad sa takdang oras.
Nakuha rin nila ang mga pre-registered SIM cards sa mga workstations, pati na rin ang mga threatening messages na pinapadala sa mga nanghihiram.
Nabatid na may higit 15,000 reklamo na natanggap ng PAOCC mula nang palakasin nila ang kampanya laban sa mga abusive online lending apps. May ulat pa na may isang nagpakamatay dahil sa banta at panghihiya mula sa mga ito.
Sinabi naman ni NBI Director Jaime Santiago na iimbestigahan nila ang mga empleyado para malaman ang kanilang pananagutan.
Pinag-aaralan ng mga awtoridad ang pagharap sa mga kaso para sa paglabag sa Data Privacy Act (RA 10173) at SIM Registration Law (RA 11934).
