Inutusan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sampung regional at district officials na magsumite ng paliwanag kaugnay ng umano’y marangyang pamumuhay nila, hindi pakikipagtulungan sa imbestigasyon, at mga substandard na flood control projects sa kanilang mga lugar.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, nakatanggap na ng show-cause orders ang mga opisyal at may limang araw para magsumite ng nakasulat na sagot. Kabilang dito sina Gerard Opulencia (NCR director), Danilo Villa (Region 7), at Brando Raya (Region 7 legal division). Pinapaliwanag din sina Khadaffy Tanggol (CAR), Gerald Pacanan (Region 4-B), Isabelo Baleros (Las Piñas-Muntinlupa), Almer Miranda (Pampanga 1st DEO), Gil Lorenzo (La Union DEO), Arturo Gonzales Jr. (QC 1st DEO), at Johnny Protesta Jr. (QC 2nd DEO).
Samantala, sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee chair Panfilo Lacson na hindi puwedeng sabihing walang alam si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa mga anomalya, dahil matagal itong nanilbihan sa ahensya bago magretiro. Giit niya, kung hindi kasabwat, posibleng naging “incompetent” ito.
Sa kabilang dako, lumutang ang contractor na si Curlee Discaya at inamin sa isang affidavit na “palagian” at sistematiko ang dayaan sa bidding ng flood control projects. Aniya, may mga “takers” (kontraktor na siguradong mananalo dahil sa koneksyon), “players” (sadyang matatalo kapalit ng bayad), at “royalties” (nagpapahiram ng lisensya). Giit pa niya, ang porsyento ng hinihingi ng ilang pulitiko ay umakyat umano hanggang 25–30% sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Samantala, nananatiling nawawala si Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na tinuturing na “missing link” sa flood control scandal. Ayon sa NBI, hindi ito maaaring arestuhin dahil wala pang warrant laban sa kanya. Binigyan siya ni Speaker Faustino Dy III ng hanggang Setyembre 28 para bumalik, kung hindi ay posibleng masampahan ng ethics case sa Kamara.
Habang lumalalim ang imbestigasyon, malinaw na mas lumalakas ang panawagan para papanagutin ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.