Isang malaking tagumpay laban sa ilegal na droga ang naitala sa Taguig City matapos makumpiska ng pulisya ang mahigit 27 kilo ng shabu at marijuana na nagkakahalaga ng ₱176 milyon mula sa limang suspek.
Naaresto ang mga suspek sa buy-bust operation ng PNP Drug Enforcement Group sa Barangay Napindan bandang alas-1 ng hapon noong Sabado. Nagpanggap na buyer ang mga pulis at nang maibigay ang marked money kapalit ng shabu, agad na inaresto ang mga suspek.
Nakumpiska sa operasyon ang 25.5 kilo ng shabu, 1.77 kilo ng marijuana leaves, at 140 e-cigarettes na may marijuana oil, pati isang 9mm pistol at mga drug paraphernalia. Mahaharap ang limang suspek sa kasong drug trafficking at illegal possession of firearm.
Samantala, naaresto rin sa Caloocan City ang isang lalaking wanted sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. Pinayagan ang pansamantalang paglaya nito matapos magtakda ang korte ng ₱200,000 piyansa.
