Matapos ang Trillion Peso March, muling kumikilos ang mga anti-corruption advocates sa pamamagitan ng White Friday Protest — isang lingguhang kilos-protesta na layong ipanawagan ang pananagutan at transparency sa paggastos ng pondo ng bayan.
Simula ngayong araw at tuwing Biyernes, magsasagawa ng noise barrage at candle lighting ang Trillion Peso March Movement sa iba’t ibang bahagi ng bansa. “Hindi lang ito protesta — ito ay isang vigil ng mamamayan para sa katotohanan, katarungan, at reporma,” ayon sa grupo.
Ang paglulunsad ay tampok ang misa sa EDSA Shrine sa ganap na 6 p.m., na susundan ng noise barrage, sindihan ng kandila, at pagkanta ng Bayan Ko. Alas-8 ng gabi naman ay sabay-sabay na tutunog ang mga kampana ng simbahan sa buong bansa bilang “sigaw ng pagkadismaya sa katiwalian at panawagan ng pagbabagong-loob.”
Pangungunahan ng St. Paul the Apostle Parish sa Quezon City, sa pamumuno ni Rev. Fr. Romerico Prieto, ang mga aktibidad na ito, habang kasabay na kikilos din ang mga komunidad sa Metro Manila, Cebu, Iloilo, Bacolod at iba pang rehiyon. Inaasahan ding magsusuot ng puti ang mga kalahok bilang simbolo ng katotohanan at pagkakaisa.
“Walang kulay ang laban na ito,” giit ng grupo. “Bawat pito, bawat kandila, bawat tinig — may halaga.”
Samantala, binatikos naman ng dating Finance Undersecretary Cielo Magno ang pamahalaan sa planong pagtakbo bilang co-chair ng Open Government Partnership (OGP), sa kabila ng patuloy na mga isyu sa korapsyon.
Sa kanyang talumpati sa OGP Global Summit sa Spain, sinabi ni Magno na “hypocritical” ang hakbang ng gobyerno habang hindi pa rin naipapatupad nang lubos ang right to information law at patuloy ang katiwalian sa mga ahensya.
“Ito’y parang magagandang plano lang sa papel, pero walang tunay na epekto sa mamamayan,” ani Magno, na nanawagan ng mas aktibong papel para sa civil society groups bilang mga “watchdog at katuwang sa accountability.”
Samantala, ilang grupo gaya ng People’s Budget Coalition ay umapelang mabigyan ng mas malaking boses sa proseso ng pambansang budget, matapos nilang tukuyin ang umano’y higit ₱230 bilyong “pork barrel” sa 2026 budget proposal—bagay na ipinagbawal na ng Korte Suprema sampung taon na ang nakalipas.